Bakit kung kailan nagmamahal ka ng tapat, saka mo mararamdaman na ang lahat ay di sapat?
Bakit ba sa tuwing nagmamahal ang tao, may mga bagay na ang hirap mahagilap? Maraming mga bagay ang hirap intindihin kung bakit ba nagaganap. Parang ang lahat ay pawang pagpapanggap.
Nagmamahal ka ng tapat subalit ang masaklap lahat ay pawang hindi sapat.
Hanggang kailan ba natin kayang isakripisyo ang lahat para mag-antay at umasa sa tao na ating pinakamamahal na walang kasiguruhan, nasabi ng aking kaibigan, “mas mainam pa na kakaunti ang iyong nalalaman para di ganun kasakit pag iyong maramdaman”, subalit di naman siguro masama na kilalanin mo mabuti ang tao na iyong minamahal, minsan napapadaig tayo sa mga bagay na ating nakikita, napapadaig tayo sa mga emosyon na ating nadarama, gayunpaman ang mga bagay na iyon ay saklaw ng ating pagkatao, ang mga bagay na iyon ay paraan lamang upang tayo ay matuto.
Sadyang napakahirap isipin, mahirap unawain, masaklap na damhin ang mga bagay na sa sarili mo alam mo na wala kang kasiguruhan. Marami kang katanungan sa kanya, ,may mga bagay ka na gusto mong alamin, tuklasin, alalahanin, gawin, at lapatan ng anumang solusyon, pero sa kabila ng lahat pilit parin siyang umiiwas na pagusapan ang mga bagay na iyon. Di mo alam kung saan ka lulugar, di mo naman ninais na masaktan, pero paulit ulit pa ring nangyayari ang mga isyu na inyong pinagaawayan.
May mga oras na gusto mo na mag-give up, may mga panahon na gusto mo na manahimik na lang, may mga sandali na mauupo ka na lang sa isang tabi at tatanungin ang iyong sarili na “Kaya ko pa ba?”, at di mo na lang mapapansin at iyo na lang madarama ang patuloy na pag-agos ng luha mula sa iyong mga mata. Masakit, mahirap, masaklap, at puno ng hinagpis ang puso mo dahil sa mga bagay na gumugulo sa isipan mo.
Sa bawat pagtangis na iyong nadarama ‘di mo inaasan na may mga tao na darating sa buhay mo na lalapat sa mga bagay na iyong ninanais. Magbibigay sigla, saya, tuwa, pag-asa at kulay sa buhay mo. Hindi mo sinasadya mahuhulog ang loob mo, at sa sandaling iyon ay makakalimot ka sa hinagpis na nakabuntot na sa buhay mo. Pero sa kabila nito, dito ka makararamdam na “KALITUHAN” at muli mong tatanungin ang iyong sarili, “ANO BA ANG DAPAT KONG GAWIN?”. Magpatuloy na mahalin ang tao na napaparamdam sa iyo ng kalungkutan na alam mo sa sarili mo na Mahal na mahal mo siya?. o Matutuhang mahalin ang tao na nagbigay sa iyo ng saya, sigla, at pag-asa?..
Mahirap timbangin ang mga bagay na gumugulo sa ating isipan. Humingi ka man ng payo galing sa iyong mga kaibigan, bakit sadyang kay hirap lapatan ng solusyon ng may katiyakan. Mata ang nakakakita, tenga ang nakadirinig ng mga bagay, pero puso pa din ang nakadarama, mahirap magdesisyon ng mga bagay na alam mo sa huli ikaw din ang talo.
Pang unawa, tiwala, pananalig, at tunay na pagmamahal ang sapat na dahilan para patuloy na umasa. Marahil inilaan ka ng Diyos sa oras na ito na masaktan, tumangis, malungkot, magdusa, at patuloy na lumuha, subalit, darating din ang panahon para iyong tamasain ang saya, sigla, makabuluhang at makulay na buhay. Darating din ang tamang oras na makasama ang tao na karapat dapat sa iyo na iyong makakasama sa hirap at ginhawa.
“When you are made to choose between two persons, don’t just think of what you’ll get when you pick one, but think of what you’ll lose when you don’t choose the other..”
No comments:
Post a Comment