Isang biyayang maituturing ang pagkakaroon ng isang anak, anak na bunga ng pagmamahalan, batang magbibigay sigla at pag-asa sa pamilyang naghihikahos sa buhay, subalit paano na lamang kung ang batang ito ay literal na tutulong sa pinansyal na bagay ng pamilyang walang makain sa hapag kainan at lugmok sa kahirapan, batang ibebenta kapalit ng pera na pansamantalang papawi sa kumukulong tiyan ng pamilya.
Isang balitang di ko halos maisip, na di ko masikmura dahil sa bentahan ng bata dito sa lugar na halos itinuring ko nang pangalawang tahanan. Sex, droga, sugalan, krimen at prostitusyon ilan sa mga bagay na normal na natin naririnig, nababalitaan at nakikita sa ating lipunan, subalit isang balita ang malamang nagpabago sa aking pananaw ng isang payak na lipunan na aking ginagalawan, ang bentahan ng isang musmos na sanggol, ang batang walang alam, batang kasisilang lamang, at batang biyaya ng Poong Maykapal ay isa na rin palang bagay na maaaring maihalintulad sa mga isda na ibinebenta sa palengke o mga hayop na na pinagbibili sa mga petshop.
Kahirapan ang isa sa mga dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay nakagagawa ng mga bagay na maaring bumabago sa ating buhay at nagbibigay ng malaking epekto sa ating lipunan. KAhirapan na siyang nagtutulak sa iba na ibenta ang sariling katawan para sa panandaliang aliw na tutugon sa kumakalam na sikmura ng pamilya, kahirapan na siyang nagbibigay ng motibo sa iba upang pumatay, magnakaw, at manloko ng kapwa. Subalit di naman siguro sagot ang ibenta ang batang galing sa sariling sinapupunan, na iyong iningatan sa loon ng siyam na buwan para lang matugunan ang kahirapan na iyong nararanasan.
Pagkatapos ng sarap ayaw dumanas ng hirap. Isang malaking responsibilidad ang pagkakaroon ng isang sanggol, isang bata na siyang bubuo sa pamilya, na siyang magbibigay ng malaking pag-asa. Ang ibinigay ng Diyos marahil ay dapat ingatan, alagaan, mahalin at gabayan hanggang ang sapat na isip at kaalaman sa kanyang pagkatao ay makamtan.
Marahil marami tayong mga katanungan na nabubuo sa ating kaisipan, mga katanungan sa sarili, sa mga bagay bagay, sa mga kaganapan o pangyayari, sa kalikasan o kung saan pa man. Anu man ito ang mga kasagutan dito marahil ay sa bawat isa na lamang nakasalalay, ang bawat isa na lamang ang makahahanap ng sariling kasagutan, subalit dapat isaisip at isabuhay ng bawat isa na ang bawat galaw na ating ginagawa dito sa lupa ay nakikita ng Diyos sa itaas. Anumang iyong ginawa dito sa lupa ay siya ring gagawin sa iyo sa oras ng iyong kamatayan.
Isang sanggol na walang alam, isang bagong buhay, at isang bagong nilalang ng ating Poong Maykapal ay nakaranas agad ng isang makamundong bagay. Di man natin ninanais ang ganitong kaganapan ay di naman natin mapipigilan gawa ng buhay na naghihikahos sa hirap, Bata bata paano ka naging sagot sa kumakalam ng sikmura ng iyong pamilya?.
No comments:
Post a Comment